DOE muling kinastigo ni Tulfo sa makupad na pagtugon sa brownout

DOE muling kinastigo ni Tulfo sa makupad na pagtugon sa brownout

September 15, 2022 @ 11:24 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Hinimok ni Senator Idol Raffy Tulfo ang Department of Energy (DOE) na mas palakasin ang Energy Virtual One-Stop Shop (EVOSS) Task Group upang magkaroon ng maayos na koordinasyon ang iba’t ibang ahensya na responsable sa pagtugon sa brownout sa ilang probinsya.

Sa hearing ng Senate Committee on Energy kahapon, binigyang-diin ni Tulfo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang council na magko-coordinate at magmomonitor sa gawain ng bawat ahensya upang mapabilis ang mga proseso at proyektong may kinalaman sa enerhiya.

“Ito ho bang council ay gumagana? Dahil kung pagbabatayan ang huling energy hearing, mukhang hindi ito gumagana sapagkat nagtuturuan po yung mga agencies na umattend tuwing sila po ay natatanong ko ukol sa problema sa ating enerhiya,” ani Tulfo.

“Itong council ay nabuo para mapabilis ang issuance ng permits, pero sana huwag lang po permits ang pagtuunan ninyo ng pansin. Sana ay kung mayroong problema sa enerhiya, ay mapag-usapan din.

“Mas mapapabilis din po siguro ang proseso at pag-uusap kung nagkikita kayo face to face kesa virtual lamang. Mas madali at mas maraming mareresolbang problema kung magkakaroon ng face to face meetings,” dagdag niya.

Sinabi ni Tulfo na maraming problema na may kinalaman sa enerhiya ang mabilis sanang natugunan kung nagkaroon ng kooperasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno.

Isa na nga dito ang hindi pa nababayarang subsidiya mula sa National Power Corporation (Napocor) para sana sa mga power producers, na isang banta para lumala ang brownouts sa mga probinsya, kabilang na ang Palawan at Occidental Mindoro.

Dahil dito, partikular na hiniling ni Tulfo sa Napocor na ipaliwanag ang hindi nabayarang Universal Charge for Missionary Electrification (UCME) fees nito sa Delta P at Occidental Mindoro Consolidated Power Corporation (OMCPC) na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P441 milyon at 500 milyon.

Kamakailan lang ay nagbanta ang Delta P at OMCPC na tumigil sa operasyon nito sa gitna ng pagtaas ng presyo ng gasolina at hindi ps nababayarang subsidiya ng gobyerno.

“Saan napunta ang halos isang bilyon? Ang concern ko din talaga ay maaaring hindi lang Occidental Mindoro o Palawan ang nageexpect po ng bayad o receivables from you. Paano pa po sa ibang lugar? Siguro bilyun-bilyon na po ang inyong utang sa mga cooperatives,” he said.

Sinabi ni Tulfo sa Napocor at iba pang ahensyang may kinalaman sa enerhiya na magkaisa. “Ang akin pong pakiusap, ay magusap-usap po kayo. Magkaisa kayo. Kung kailangan niyo pa po ng tulong namin, ako po, bilang Chairperson ng Energy Committee, I will help. Huwag na kayong magturuan.”

“Kailangan siguraduhin natin na nakakapagbigay tayo ng tamang serbisyo sa taumbayan dahil yun naman po ang dahilan kung bakit tayo nasa gobyerno — to serve the people. Tayo po ay public servant at mga boss po natin ang mga consumers,” dagdag niya.

Sinabi ni 3rd Congressional District of Palawan Congressman Edward Hagedorn, na dumalo sa pagdinig, na umaasa siyang magtatagumpay si Tulfo na pagkaisahin ang ibat ibang ahensya.

“Maasahan mo yan Congressman Hagedorn. Sanay po akong gumamit ng latigo. Kung kinakailangan ay nilalatigo ko po – noong ako po ay broadcaster pa lamang ay ginagawa ko na ito – yung mga nagtatamad-tamaran na lingkod-bayan,” ani Tulfo.

Bagama’t hindi niya ito literal na pinapatungkol, ipinaliwanag ni Tulfo na sanay na siyang hikayatin ang mga manggagawa sa gobyerno, lalo na ang mga tamad, na magtrabaho nang maayos sa pamamagitan ng paggamit ng mga “harsh but encouraging words.” Ernie Reyes