DOH: 15 rehiyon sa bansa may dengue sirit!

DOH: 15 rehiyon sa bansa may dengue sirit!

July 5, 2022 @ 1:56 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Mahigit 51,000 na ang kaso ng dengue sa bansa simula noong Enero hanggang Hunyo 18.

Sinabi ng Department of Health (DOH), ang 51,622 na naitala sa nasabing panahon ay mas mataas ng 58 percent kumapara sa kaparehong panahon noong 2021.

Pinakamaraming kaso ang naitala sa National Capital Region o NCR, Central Visayas at Zamboanga Peninsula. Sa bilang na ito, 239 ang nasawi.

Nasa 15 rehiyon naman ang lumagpas na sa epidemic threshold sa nakalipas na apat na linggo.

Nagpaalala naman ang DOH na dapat maging handa at dapat lagi tandaan ang 4 “S” para mapigilan ang dengue.

Ito ay ang “Search and destroy, Self-protection, Seek early consultation,Say no to indiscriminate fogging”.

Ayon naman kay DOH Infectious Disease expert Dr. Eric Tayag , bagamat lumampas na sa epidemic threshold ang 15 rehiyon ay hindi nangangahulogan na mayroon nang “outbreak”.

Pero paalala ni Tayag, tuloy-tuloy ang pag-ulan kaya inaasahan na tataas pa ang mga kaso ng dengue.

“Simula pa lang ‘to ng dengue season kaya nga yung 4S strategy ay mahalaga pong maunawaan ng ating mga kababayan,” pahayag pa ni Tayag sa isang panayam sa telebisyon.

Aniya, may panahon pa para hindi dumami ang dengue sa bansa kaya naman dapat lagi tandaan ang nasabing istratehiya na napakaimportante.

Ang simtomas ng dengue ay may kahalintulad anjya sa simtomas ng COVID-19 kaya naman kailangan masuring mabuti ang isang tao na nagkakaroon ng mga sintomas. Jocelyn Tabangcura-Domenden