MANILA, Philippines- Nakapagtala ng 43 kaso ng rabies sa bansa mula Enero 1 hanggang Pebrero 18, na pawang mga nasawi sinabi ng Department of Health (DOH).
Ang nasabing bilang ay mas mababa ng 4 porsyento kumpara sa kaparehong panahon noong 2022 ayon pa sa Kagawaran.
“Itong 43 na kaso na ito ay hindi rabies mismo.These are animal bite cases,” pahayag ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire.
Ani Vergeire, karaniwan ay kagat ng alagang hayop ang malaking naitatala na mga numero kung saan nakakagat din ang may-ari.
Base sa datos DOH epidemiology bureau na ang rabies ay may fatality rate na 100 percent.
Ang Central Luzon at Calabarzon ang nakapagtala ng pinakamataas ng bilang ng rabies infection, na may tig-8 kaso.
Sinundan ito ng Bicol Region at Davao Region na mayroong tig-4 kaso.
Ang rabies ayon sa DOH ay naisasalin sa pamamagitan ng laway at direct contact sa sariwang sugat ng biktima.
Ayon kay Vergeire, nakikipag-ugnayan na sila sa iba’t ibang ahensya upang mapalakas ang programa para sa pagiging responsableng pet owner.
Pinayuhan naman ni Vergeire ang publiko na hugasan ng sabon at malinis na tubig ang sugat kapag nakagat,nakalmot ng mga aso at pusa o di kaya ay daga.
Maari ding magtungo agad sa pinakamalapit na helath center kung hindi sigurado sa nakagat upang masuri at malaman kung kailangan bakunahan o hindi. Jocelyn Tabangcura-Domenden