DOH ang may pasya sa alert level status – MMDA

DOH ang may pasya sa alert level status – MMDA

October 17, 2021 @ 9:14 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nilinaw ng Metro Manila Development Authority (MMDA) nitong Sabado, Oktubre 16 na ang Department of Health (DOH) ang nagdesisyon ng sa pagbababa ng Metro Manila sa alert level 3.

Ito ay bilang tugon sa hinaing ng ilang alkalde na hindi sila nakonsulta sa pagluluwag ng alert level system.

Punto ni MMDA Chairman Benjamin Abalos Jr., kahit na maaaring magbigay ng rekomendasyon ang mga alkalde, sa huli ay DOH pa rin umano ang masusunod sa polisiya kaugnay ng alert level system.

“I would like to point out lang po na pagdating sa pagbababa ng alert level, ayon sa pilot po natin na kondisyon, iisang ahensya lamang ang magde-determine dito – hindi po ang mga mayors, hindi po kung sino man even DTI (Department of Trade and Industry) – ayon sa kondisyon, it is only the Department of Health,” sinabi ni Abalos kasabay ng public briefing.

Matatandaan na kahapon, Oktubre 16 ang unang araw ng pagsasailalim ng Metro Manila sa Alert Level 3 na magtatapos sa Oktubre 30.

Ilan sa mga umalma na alkalde patungkol dito ay sina Marikina Mayor Marcelino Teodoro at Navotas Mayor Toby Tiangco. RNT