DOH: Bilang ng fully immunized child sa Pinas, bumaba

DOH: Bilang ng fully immunized child sa Pinas, bumaba

October 4, 2022 @ 5:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Bumaba ang datos ng fully immunized child o FIC sa bansa ngayong taon kumpara sa nagdaang mga taon, sinabi ng Department of Health o DOH.

Sa press briefing sinabi ni DOH-OIC Maria Rosario Vergeire na ang coverage para sa FIC ay  62.9 porsyento kung saan ang target ay 95 porsyento.

“Pag kinumpara ang datos sa previous years bumababa ang datos para dito also when we look at our measles vaccination ganun din po ang nakikita natin,” sabi ni Vergeire.

Ayon kay Vergeire, ang measles vaccination ang pinakahuli na ibinibigay sa mga bata para masabi na fully immunised child ang isang bata.

Dagdag pa ni Vergeire, sa pinakahuling meeting aniya sa international partners at World Health Organization o WHO at UNICEF, base sa mga datos, nasa halos  3 milyon na ang lahat ng batang hindi nakatanggap ng kahit na anong dosis ng measles vaccine.

Kaya naman ang WHO at UNICEF ay nagbabala umano na kailangan pag-igtingin ang routine immunization sa bansa dahil maaring magkaroon ng impending outbreak ng tigdas sa bansa sa susunod na taon kapag hindi gumawa ng mga pamamaraan.

“Pagkatapos nating nag-meeting with WHO at UNICEF, agad-agad nating pinulong ang ating mga implimenting units because we need to strengthen our routine immunization,” dagdag pa ni Vergeire.

Binigyan-diin pa ni Vergeire na malaki ang tulong ng local government units para mapataas ang antas ng pagbabakuna sa ating mga kabataan.

Bumaba aniya ang pagbabakuna hindi lamang sa hesitancy ng mga magulang  kundi dahil alam nating lahat na nagka-restrictions tayo kung saan hindi masyadong nakakalabas ang marami para pabakunahan ang kanilang mga anak. Jocelyn Tabangcura-Domenden