DOH: Booster shot ‘di pa rin mandatory

DOH: Booster shot ‘di pa rin mandatory

July 8, 2022 @ 8:00 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Iginiit ng Department of Health (DOH) na hindi pa rin mandatory o sapilitan ang pangangasiwa ng COVID-19 booster shots gayundin ang primary series  ng bakuna.

Ang paglilinaw ng DOH ay  matapos na naunang naiulat na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay sumang-ayon sa panukala ng Health department na i-require ang unang booster dose laban sa COVID-19 bago ang isang indibidwal ay maituturing na ganap na nabakunahan laban sa sakit.

“We also did not give any statement that boosters will become mandatory. Wala po yan sa ating direksyon, wala po yan sa ating mga pronouncements,” sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa online briefing.

“Ang atin lang pong sinasabi kailangan maitaas lang po talaga ang antas ng booster doses uptake dito po sa ating bansa dahil nakikita po natin and even our experts are saying that our immunity for our population is already waning. So kailangan po natin itaas ang antas ng ating pagbabakuna specifically ang ating mga boosters,” paliwanag ni Vergeire.

Ilang opisyal ng DOH ang nakipagpulong kay Marcos upang talakayin ang kasalukuyang sitwasyon ng COVID-19 at saklaw ng pagbabakuna sa bansa, at nagrekomenda ng mga estratehiya upang higit pang mapabuti ang pagtugon ng gobyerno sa pandemya.

Sinabi rin ni Vergeire na ang paksa sa kanilang pakikipagpulong sa presidente ay  teknikal lamang at walang talakayan kung sino ang susunod na health chief.

Hanggang sa ngayon ay hindi pa nagtatalaga ang Pangulo ng DOH secretary na magiging kapalit ni dating Health Sec.Francisco Duque III sa kabila ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 at dengue sa bansa.

Aniya, sinabi ng Pangulo na suportado nito ang DOH at ang  COVID-19 response at vaccination program.

“Nakapagbigay ang ating Presidente ng mga instructions and guidance para sa kagawaran ng kalusugan kung paano natin ipapatupad at kung paano natin maipapataas ang antas ng ating response for COVID and at the same time improve coverage para sa ating pagbabakuna dito sa ating bansa,” sabi ni Vergeire.

Samantala, nauna nang inanunsyo ng DOH na ang mga kabataan na may edad 12 hanggang 17 ay maaaring tumanggap na ng kanilang booster shot laban sa viral disease. Jocelyn Tabangcura-Domenden