DOH-CALABARZON namigay ng 9 ambulansya

DOH-CALABARZON namigay ng 9 ambulansya

August 10, 2020 @ 2:07 PM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Muling namigay ang Deparment of Health (DOH)-CALABARZON (Cavite Laguna Batangas Rizal Quezon) ng siyam pang ambulansya sa ilang ospital at rural health units sa rehiyon para makatulong sa COVID-19 response at iba pang emergency cases.

Ayon kay DOH-CALABARZON Regional Director Eduardo Janairo na maari rin gamitin ang mga ambulansya para sa polio vaccination na ikinakasa sa rehiyon.

“Magagamit natin ang mga ambulansyang ito hindi lang sa pagresponde sa COVID-19 kundi pati na rin sa ginagawa natin ngayong Polio vaccination lalo na sa mga lugar ng Laguna at Cavite upang mapabilis ang paghatid ng bakuna sa mga bata na nakatira sa malalayong lugar ng probinsya,” ayon  kay Janiaro.

“Mas mapapalakas at mapapabilis natin ang pagbibigay ng serbisyong medikal at pangkalusugan sa tulong ng mga ambulansyang ito na magsisilbing transportasyon at kaagapay ng ating health workers upang makapagbigay ng agarang lunas sa mga may sakit at makapagligtas ng buhay,” dagdag pa nito.

Ang karagdagang siyam na ambulansiya ay kabilang sa 39 units na naipamaigay na sa 98 na kabuuang bilang na ipamimigay bago matapos ang 2020.

Ang nasabing ambulansya ang may kumpletong kagamitan kabilang ang automatic external defibrillator, nebulizer, portable suction machine, examining light, aneroid sphygmomanometer, folding stretcher, scoop stretcher, heavy duty stethoscope, at  oxygen cylinder.

Kabilang sa mga nabigyan ay ang Southern Tagalog Regional Hospital; General Trias City Health Office; Rosario (BHS); San Pablo General Hospital; Antipolo City (Dela Paz BHS); Tanay Rural Health Unit; BPH-Don Mayuga Memorial Hospital; Bauan Rural Health Unit at Tagkawayan Rural Health Unit.

Bukod sa ambulansiya, nabigyan din ang San Pablo General Hospital at Antipolo City- Dela Paz BHS  ng isang LED TV na may kasamang Health Education and Communication (IEC) materials kabilang ang mga updates sa COVID-19 at mga programa ng DOH. Jocelyn Tabangcura-Domenden


  •  
  •  
  •  

Loading...