DOH: Close contact ng unang kaso ng monkeypox, naka-quarantine pa

DOH: Close contact ng unang kaso ng monkeypox, naka-quarantine pa

August 11, 2022 @ 1:56 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sumasailalim pa rin sa quarantine at nanatiling asymptomatic ang sampung close contact ng unang kaso ng monkeypox sa bansa ayon sa Department of Health (DOH).

“To date, there has been no new case of monkeypox in the country,” ayon pa sa DOH.

Nakumpirma ang unang kaso ng monkeypox sa bansa noong Hulyo 29.

Nauna nang sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang monkeypox patient ay gumaling na mula sa naturang sakit ,na-discharged mula sa isolation at pinahintulutan nang makihalubilo.

Ayon sa World Health Organization, mahigit 16,000 na kumpirmadong kaso ang naitala sa 75 bansa sa ngayon sa taong ito.

Matagal nang naging endemic ang Monkeypox sa Central at Western Africa ngunit nagkaroon na ng mga outbreak sa buong mundo mula noong Mayo.

Sinabi ni Vergeire na karamihan sa mga kaso sa buong mundo ay kumakalat sa pamamagitan ng malapit na pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng sekswal na aktibidad at iba pa tulad ng direktang contact o sa pamamagitan ng paghawak sa mga bagay o tela na ginamit ng isang nahawaan ng naturang sakit.

Nakikipag-ugnayan ang DOH sa pribadong sektor sa pagkuha ng mga bakuna laban sa monkeypox, na sinabi ni Vergeire na maaaring dumating sa 2023. Jocelyn Tabangcura-Domenden