DOH: COVID ‘di pa endemic sa Pinas

DOH: COVID ‘di pa endemic sa Pinas

March 1, 2022 @ 6:30 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Hindi pa tapos ang COVID-19 pandemic sa bansa.

Ito ang iginiit ng Department of Health sabay diing hindi pa naaabot ng Pilipinas ang endemic na estado ng virus.

Ang komento ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ay inilabas matapos na ianunsyo ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na isailalim na sa Alert Level 1 ang Metro Manila at 38 iba pang lugar mula Marso 1 hanggang 15.

“Ang ibig sabihin po ng endemic state ay ang virus ay nandiyan na kasama na po naten dito sa ating buhay, ngunit, acceptable na po ang mga numero ng ating mga kaso, acceptable na rin po sa ating lipunan,” ani Vergeire sa isang Palace press briefing.

Giit ni Vergeire naang endemic state ay maaaring maabot kapag ang mataas na bilang ng antas ng pagbabakuna sa bansa ay maaaring mabalanse ang hawaan ng COVID-19 sa bansa.

“Darating po tayo diyan na magiging predictable at manageable ang mga kaso sa ating bansa,” dagdag pa ng opisyal.

Ibinabala naman ni Vergeire na maaari pa ring itaas ng IATF ang Alert Level System kung muling tumaas ang kaso ng COVID-19.

“Kung may bagong variant na papasok sa bansa na nagdudulot ng transmission o malalang anyo ng sakit, maaari nating palakihin muli ang ating alert level,” aniya pa. RNT