DOH ‘di tatantanan ng COA hangga’t ‘di naglalabas ng COVID vax procurement documents

DOH ‘di tatantanan ng COA hangga’t ‘di naglalabas ng COVID vax procurement documents

November 29, 2022 @ 2:10 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng Commission on Audit (COA) nitong Martes na idadaan nito sa legal na proseso ang pagtutulak sa Department of Health (DOH) na ilabas ang mga dokumentong may kinalaman sa multibillion-peso COVID-19 vaccine procurement deals.

Sa Commission on Appointments hearing, sinabi ni COA chairman Gamaliel Cordoba na hiniling na ng komisyon ang mga dokumento mula sa DOH. Subalit, sinabi ni dating Health Secretary Francisco Duque III na ang mga kontrata sa pagitan ng national government at pharmaceutical companies ay may non-disclosure provision, na humaharang sa publiko upang malaman ang eksaktong budget na nagastos sa pagbili ng mga bakuna.

Sinabi ni Cordoba ayon sa legal office ng COA, na ang komisyon “is not bound by the NDAs” (non-disclosure agreements).

Iginiit niya na mag-iisyu ang state auditors ng demand letter.

Sakaling hindi pa rin magsumite ag DOH ng mga dokumento, maglalabas ang COA ng notices of suspension at disallowance. Kinokonsidera rin umano ang paghahain ng subpoena sa DOH, ayon sa COA chief.

Subalit, sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na mas mainam kung ikakasa na agad ng COA ang subpoena.

Tumugon naman si Cordoba na kinakailangan ng COA na sumunod sa proseso.

“You have our commitment po na hindi po kami papayag na hindi ma-audit ang government expenditure na ito, lalo po yung mga nagpautang na WB and ADB ay nagpapa-special audit na po,” aniya.

Sa budget deliberation sa Senado kamakailan, hiniling ni Senator Chiz Escudero ang detalyadong audit sa COVID-19 vaccine procurement. RNT/SA