DOH: Disposal ng napanis na COVID vax, ligtas

DOH: Disposal ng napanis na COVID vax, ligtas

March 9, 2023 @ 5:00 PM 3 weeks ago


MAILA, Philippines- Tiniyak ng Department of Health (DOH) na ligtas ang kasalukuyang proseso ng pagtatapon sa mga nasayang na mga bakuna para sa COVID-19.

Gayundin siniguro ni Health OIC Maria Rosario Vergeire sa Senate blue ribbon committee na ang panganib sa transmission mula sa ibinaon na COVID-19 vaccine vials ay minimal lamang.

Sa pagdinig, napag-alaman na ang mga nasayang na bakuna ay sinusunog sa Trece Martires City, Cavite at pagkatapos nito ay inilalagay sa loob ng cylindrical drums na dinadala sa isang landfill sa Tarlac.

“The vaccines that we have procured or the vaccines for COVID-19 that we have in our country are all non live– meaning all of these vaccines, their components had been modified–including mRNA,” sabi ni Vergeire.

Kaya aniya ang probabilidad o panganib ng transmission pagtapos itong ibaon ay napakaliit lamang.

Sinabi ni Vergeire na base sa ibinigay na mga pamantayan ng DENR at ang proseso kung saan ito iniimbak at itinatapon ay masasabing ito ay ligtas.

Dagdag pa ni Vergeire, pinag-aralan nila ang proseso ng pagtatapon ng infectious waste sa ibang bansa tulad ng India at Vietnam.

Gayunman, hindi kumbinsido si Senate blue ribbon chairperson Francis Tolentino na ang prosesong ito ay walang pinsala sa mga komunidad. Jocelyn Tabangcura-Domenden