DOH: Kaso ng COVID sub-variants sa Pinas, nadagdagan pa!

DOH: Kaso ng COVID sub-variants sa Pinas, nadagdagan pa!

August 9, 2022 @ 3:48 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sa pinakahuling datos ng Department of Health o DOH, aabot sa 906 ang bilang ng bagong kaso ng Omicron subvariant na BA.5.

Ayon sa DOH, 814 sa mga ito ang nakarekober na sa virus.

Karamihan sa mga kaso ay mula sa ibat ibang rehiyon ng bansa maliban sa Regions 10, 11,12, Caraga at BARMM.

Sa nasabing bilang 682 ang fully vacinated, labing apat na kaso ang partially vaccinated, habang patuloy na inaalam ang vaccination status ng dalwandaan at sampung iba pa.

Mayroon ding 11 na bagong kaso ng sub-variant na BA.4 at lahat ay gumaling na.

Lima sa nasabing bilang ay mula sa Region 5, tig-dalawa naman mula sa Region 6, CAR at NCR.

Bakunado o fully vaccinated ang siyam sa mga ito habang patuloy na inaalam ang vaccination status ng iba pang kaso.

Pagdating naman sa subvariant na BA.2.12.1, pito ang naitalang bagong kaso at lahat ng mga ito ay nagsigaling na rin.

Apat sa mga ito ang mula sa Region 1, at tig iisa sa Regions 2, 4A at 6.

Fully vaccinated naman ang anim sa nasabing kaso habang patuloy na inaalam ang vaccination status ng natitirang kaso.

Patuloy din ang isinasagawang pag-verify ng DOH sa travel histories, exposure at health status ng mga nabanggit na kaso. Jocelyn Tabangcura-Domenden