DOH kumpiyansang makakuha ng pondo sa COVID vax

DOH kumpiyansang makakuha ng pondo sa COVID vax

November 18, 2022 @ 9:10 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Kumpiyansa ang Department of Health (DOH) na may mapagkukunan pa rin ng pondo para sa COVID-19 vaccines kahit walang nailaan para dito sa 2023 General Appropriations Act o GAA.

Tulad ng sinabi ni Senator Pia Cayetano na siyang sponsor ng panukalang mahigit P300 bilyon hanggang P323 bilyon badyet para sa 2023 sa pagdinig sa Senado, ang DOH ay mayroong mga existing loan para dito.

Sinabi ng Senador na mayroon pang inventory ngunit pagkatapos, ang mga nalikom na utang na halagang P3.4 bilyon ay magagamit na para makabili ng 5 milyong doses ng bivalent vaccines.

Nangako din aniya ang COVAX para sa 2023 na maaari din silang magbigay ng bivalent vaccines at mayroon ding mga nalikom sa utang na makukuha mula sa ADB at World Bank para sa 2023.

Magiging focus pa rin ayon sa DOH ang booster shots para sa mga darating na bakuna sa susunod na taon.

Ang pondo ng DOH noong 2019 ay P173 bilyon na tumaas sa P274 bilyon ngayong 2022 base sa rekord habang inihihirit naman para sa 2023 ang P301 hanggang P323 bilyong pondo.

Samantala, mahigit 31 milyong doses ng COVID-19 ang nasayang batay sa datos ng Department of Health (DOH).

Ito ay katumbas ng 12 porsyento ng mahigit 250 milyong doses bakuna na nakuha ng bansa.

Aminado naman ang DOH na may mga COVID-19 vaccine wastage.

Sinabi ni Senador Pia Cayetano na siyang sponsor ng panukalang 2023 budget ng DOH na ang dahilan ng wastage na ito ay ang pag-expire ng mga bakuna, ang mas maigsing life span at ang pagkasira mula sa natural disaster o kalamidad.

“The total wastage is 31.3 million and that is 12 percent of the total (250.38-million), which, I will add, is within the allowed percentage of wastage… But of course, this does not mean that just because it is in the allowed percentage that DOH is not striving to improve that number,” sabi ni Cayetano.

Ang vaccine wastage ay nagkakahalaga sa mahigit P15 bilyon ayon pa sa senador.

“The 12 percent wastage cost is estimated – and the reason I have to emphasize ‘estimated’ is because even the DOH does not know the cost because this was procured through an NDA, non-disclosure agreement… the cost is P15.6 billion,” anang Senador.

Sinabi ng DOH na may mga bansa rin na may nasayang na bakuna laban sa COVID-19 na nasa 10 porsyento tulad ng COVAX facility.

Base rin sa World Health Organization o WHO, sinabi ni Cayetano na aabot pa umano sa hanggang 30 porsyento ang wastage sa low income at middle income countries at sa ibang mga mas mauunlad na bansa .

Pero nilinaw niya na hindi naman ito maaring idahilan para tanggapin ang wastage rate sa bansa bagaman hindi aniya kontrolado ng pamahalaan noon ang sitwasyon gaya ng expiration period ng mga donasyong bakuna.

“For the record lang din… we also have a lot of donated vaccines. As recipients wala naman tayong control kung malapit na mag-expire yun. But they will also fall under our inventory. Especially in the early days, we don’t say no to donations,” sabi pa ni Cayetano. Jocelyn Tabangcura-Domenden