DOH nagbabala sa F2F gathering sa holiday season

DOH nagbabala sa F2F gathering sa holiday season

November 13, 2022 @ 9:45 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Hinimok ng Department of Health ang publiko sa papalapit na holiday season at kabi-kabilang face-to-face gathering na magpabakuna kontra COVID-19 at kumuha na ng booster para sa karagdagang proteksyon sa mga ito.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na dapat ay matutong kumapa ang isang tao kung kailan lamang dapat aalisin ang face mask at kung sino ang mas mainam na magsuot nito.

“Alam ho sana natin lahat kung ano ang risk level natin kung kailan tayo magtatanggal ng mask at kung kailan sa tingin natin tayo ay dapat o hindi dapat naka-mask,” ani Vergeire.

“Wala po tayo restrictions as to age or capacity kaya tayo ay nagpapaalala na tayo na mismo sa ating sarili magkaroon ng informed decision kung kailan tayo pupunta sa pagtitipon na maraming tao,” dagdag pa niya.

Sa tala nitong Nobyembre 9, nasa 73.6 milyon na Pinoy na ang fully vaccinated laban sa COVID-19.

Samantala, 20.7 milyon naman sa mga ito ang nakakuha na ng booster.

Matatandaan na noong Oktubre 28 ay nagpalabas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng kautusan na boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face mask sa outdoor at indoor spaces.

Sa kabila nito, inirerekomenda pa rin ang mga matatanda, buntis, persons with comorbidities, immunocompromised individuals, at mga hindi pa nababakunahan kontra COVID-19 na magsuot pa rin ng face mask. RNT/JGC