DOH nagbabala sa substandard na gamot sa bata

DOH nagbabala sa substandard na gamot sa bata

October 24, 2022 @ 4:54 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Health (DOH) na naglabas na ng abiso ang Philippine Food and Drug Administration (FDA) hinggil sa umano’y substandard o kontaminadong pediatric drugs para balaan ang publiko.

Ito ay makaraang naglabas ang World Health Organization ng Medical Product Alert sa apat na produktong gamot na natukoy sa African region noong Setyembre ng taong ito.

Kabilang rito ang Promethazine Oral Solution BP; Kofexmalin Baby Cough Syrup ; Chlorphenamine Maleate,Phenylephrine HBr, Dextromethorphan [MaKOFF Baby Cough Syrup]; at Kofexmalin Baby Cough Syrup na mga gawa ng Maiden Pharmaceuticals Ltd.

Mahigpit na inaabisuhan at pinapayuhan ng FDA ang publiko na maging mapagmatyag sa pagkalat ng ganitong substandard drug products dahil sa nagtataglay ito ng Diethylene Glycol at Ethylene Glycol na nakakalason sa tao kapag ito ay nainom.

Maaari umano itong magreresulta ng pananakit ng tiyan, pagsusuka, pagtatae, hirap sa pag-ihi, sakit ng ulo, at acute kidney injury na maaring mauwi sa pagkamatay.

Dahil dito, pinatitiyak ng FDA at DOH sa lahat ng local government units at law enforcement agencies kasunod ng abiso na tiyakin na hindi naibebenta at nabibili sa merkado ang naturang mga substandard pediatric drug sa kanilang mga nasasakupan. Jocelyn Tabangcura-Domenden