DOH NAGBABALA SA TUMATAAS NA BILANG NG DENQUE CASES SA BANSA

DOH NAGBABALA SA TUMATAAS NA BILANG NG DENQUE CASES SA BANSA

July 14, 2022 @ 8:15 PM 4 weeks ago


ANG buwan ng Hunyo sa ating bansa ay kinikilala bilang “Dengue Awareness Month” dahil ito rin ang pagsisimula ng panahon ng tag-ulan kung saan namamayagpag ang mga lamok na Aedes aegypti na nagdadala ng dengue.

 

Nakukuha ang dengue sa maruming kapaligiran. Nabubuhay at dumadami ang lamok na nagdadala nito sa maruming tubig gaya ng kanal at sa mga stock up na tubig sa paso, plastic bags, gulong at lata. Apektado nito ang mga taong mahina ang immune system.

 

Ilan sa palatandaan ng pagkakaroon nito ang mataas na lagnat, masakit na ulo, pagkakaroon ng rashes, pananakit ng katawan, sore throat, pagsusuka, diarrhea, pagkahilo, pagdura ng dugo at pagkakaroon nito sa dumi at ilong. Tumatagal ng tatlo hanggang labing-apat na araw ang sintomas nito. Ilan sa mga komplikasyon ng dengue ang pneumonia, pamamaga ng atay at paglaki ng puso.   

 

Nagbigay babala ang Department of Health at Philippine Medical Association sa patuloy na tumataas na bilang ng tinatamaan ng dengue sa bansa.

 

Batay sa pinakahuling datus ng DOH, nakapagtala na ng 45,416 kabuuang kaso sa bansa simula lamang January 1, 2022 hanggang June 11, 2022 o 45% na mas malaki kumpara sa 31,320 na naitala sa kaparehas na panahon noong taong 2021.

 

Sa pananaw ng PMA, dapat ng mabahala ang health authorities ng bansa dahil batay sa kanilang monitoring sa mga katabi nating bansa sa ASEAN region, lubhang mataas na rin ang kaso sa Singapore, mas marami pa nga ang naitalang namatay dahil sa dengue kaysa sa kinatatakutang coronavirus disease 2019. Nag-deklara na ng “dengue outbreak” sa Singapore.

 

Pinakamaraming kaso ng dengue sa Central Visayas, 13%; Central Luzon, 12%; at Zamboanga peninsula, 10%.

 

Tumataas na rin ang kaso sa Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao, Cordillera Administrative Region, at ng MIMAROPA region kabilang ang Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan.

 

Nakapagtala na rin ng 217 na bilang ng mga nasawi sa loob lamang ng mahigit limang buwan.