DOH nagbabala vs pekeng vaxx card, certificate

DOH nagbabala vs pekeng vaxx card, certificate

June 6, 2022 @ 10:30 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nagbigay babala ang Department of Health-Metro Manila Center of Health Development o DOH-MMCHD laban sa mga patuloy na namemeke ng COVID-19 vaccination cards at certificates.

Nakarating umano sa kanila na may kumakalat na posts sa social media ukol sa gawaan ng “fake” o peke ng vaccination cards at vaccination certificates partikular sa Recto, sa Maynila.

Babala ng DOH-MMCHD, ang falsification o pamemeke ng anumang pampubliko at opisyal na dokumento gaya ng COVID-19 vaccination cards o certificates ay isang uri ng krimen at paglabag sa Revised Penal Code at Republic Act No. 11332 o Mandatory Reporting of Noti-fiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.

Babala pa ng DOH-MMCHD, makulong ang sinumang mapatunayang nagkasala ng isa hanggang anim na buwan at pagmumultahin ng P20,000 hanggang P50,000 depende sa pasya ng korte.

Nanawagan sa publiko ang DOH-MMCHD na huwag tatangkilik sa mga namemeke at katulad na panloloko, at i-ulat ang naturang krimen sa pamamagitan ng pagtawag sa 02-8531-0037 extension 111 o mag-email sa [email protected] upang maimbestigahan at makagawa ng legal na aksyon.

Ito ay nakahanay din sa Inter-Agency Task Force o IATF Resolution No. 125 at Republic Act No. 11525 o COVID-19 Vaccination Program Act. Jocelyn Tabangcura-Domenden