DoH, naghahanap ng mga ambassador para sa kampanya laban sa HIV/AIDS

DoH, naghahanap ng mga ambassador para sa kampanya laban sa HIV/AIDS

August 2, 2018 @ 4:49 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Inilunsad ngayon ng Department of Health (DOH) ang bagong kampanya na naglalayong makatulong sa pagpapababa ng kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV/AIDS) sa bansa.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ito ay tinawag na LHIVE FREE na layon ding mahikayat ang mga nagtataglay ng karamdaman (HIV) na ipagpatuloy ang isinasagawang paggamot sa kanila.

Kasama si Ms. International 2016 Kylie Versoza sa paglulunsad ng nasabing kampanya.

Sinabi pa ng kalihim na patuloy ang paghahanap ng DOH ng mga kakatawan o ambassadors sa HIV/AIDS advocacy na mga natatanging indibiduwal na handang isulong ang safe sex na ang layon ay mapigilan ang pagkalat ng HIV/AIDS dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso nito.

Maaari aniyang sumali sa advocacy ang mga lalaki, babae at mga transgender women na nagkakaedad nang 20 hanggang 26, magaling magsalita at nasa puso ang kampanya.

Sa nakalipas na 10 taon, ang pagtaas ng kaso ng HIV/AIDS sa bansa ay 31 na bawat araw mula sa dating isa sa isang araw, ang Pilipinas din ang may pinakamataas na pagdami ng HIV cases sa Asia at Pacific Region mula 2010 hanggang 2016 o 133 percent. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)