DOH naglaan ng P55M suplay sa Agaton-hit areas

DOH naglaan ng P55M suplay sa Agaton-hit areas

April 13, 2022 @ 9:07 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Naglaan ang  Department of Health (DOH) ng mahigit P55.7 milyong halaga ng mga suplay sa mga rehiyong direktang apektado ng pananalasa ng Tropical Depression Agaton.

Ayon ito kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Martes  kung saan P55,736,644.82 sa logistics ang naibigay sa mga regional warehouse sa Regions 5, 6, 8, at 10.

Sa nasabing halaga, ang P6,177,508.19 na halaga ng mga supply na binubuo ng mga gamot, health kits, personal protective equipment (PPEs), at iba pang mga medikal at COVID-19 supply  ay nakalagay na at handa nang gamitin sa Rehiyon 5, 6, 7, 8, at 10.

“Makakaasa po ang ating mga kababayan na handang tumugon ang Kagawaran ng Kalusugan sa tulong sa ating local government units at sa mga centers for health development sa pangkalusugang pangangailangan ng ating mga kababayan na nasalanta ng bagyo,” sabi ni Vergeire.

Pinaalalahanan ni Vergeire ang mga tao na apektado ng bagyo na maghanda ng kanilang go-bags na may kasamang pagkain, toiletries, first aid kit, survival kit, damit, beddings, at PPE kung sakaling kailanganin silang ilipat sa mga evacuation center.

“Maging alerto sa magiging anunsyo ng inyong mga lokal na pamahalaan, gayon din ang national government, hinggil sa paghahanda at posibleng paglikas para sa mga ganitong kalagayan,” dagdag pa niya

Nanawagan din siya sa mga  local government unit na magtalaga ng  safety officers upang pamahalaan ang mga evacuation center upang matiyak na ang mga bakwit  ay sumusunod sa minimum public health standards. Jocelyn Tabangcura-Domenden