DOH nagpaalala sa mga bata sa pamumulot ng paputok sa kalsada

DOH nagpaalala sa mga bata sa pamumulot ng paputok sa kalsada

January 1, 2023 @ 3:35 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Mahigpit na nagpaalala ang Department of Health sa publiko lalo na sa mga magulang o guardian na bantayan ang kanilang mga anak na huwag mamulot ng mga paputok na makikita ngayon sa mga kalsada.

Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, ito man ay nasindihan na o hindi pa ay lubha itong mapanganib.

Paalala rin sa mga magulang at guardian na masabihan ang mga anak o kabataan na iwasan ang pagsubo ng mga paputok na hindi pa nasindihan o gamit na dahil maaring makadisgrasya sa kanila.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Vergeire na halos pantay ang dami ng naitalang kaso na ‘active’ o direktang gumamit ng paputok at ang ‘passive’ o nadamay lamang sa pagpapautok ng iba.

“Ibig sabihin nito, maaring nagdulot ng pinsala ang paputok hindi lamang sa mga nagpapaputok kung hindi doon na rin po sa ibang miyembro ng ating komunidad,” ani Vergeire.

Noong nakaraang taon mas marami aniya ang passive kaysa sa active.

Pinakamataas pa rin ang nagtamo ng pinsala sa kamay na nasa 36 percent at karamihan ay nangyari sa labas ng bahay o kalsada.

Susundan ito ng pinsala sa mata na nasa 30 percent, at ibang bahagi ng katawan katulad ng binti, ulo at hita.

Noong 2021, 53 percent ng kaso ng fireworks related injury ay dulot ng paggamit ng legal na paputok.

Ngayong taon mas mababa ng bahagya na bumubuo ng 48 percent ng mga kaso.

Ayon kay Vergeire, kung titignan ang datos, maraming kaso ang dulot sa paggamit ng ipinagbabawal na paputok tulad ng boga (19%); five star (10%) ; at super lolo (6%).

Pagdating naman sa legal na paputok, (19%) ang kwitis; at whistle bomb (7%) ang kasama sa top 5 na sanhi ng pinsala.

Marami naman sa naputokan ay intoxicated o hindi nakainom na bumubuo ng 83% mula 88% noong 2021.

Pagdating sa disposisyon ng mga kaso, 88% ang nagamot at nakauwi habang 10% naman ang na-admit sa Ospital at 2% ang hindi nagpaadmit. Jocelyn Tabangcura-Domenden