DOH nagpaalala sa publiko sa pagpasok ng summer

DOH nagpaalala sa publiko sa pagpasok ng summer

March 6, 2023 @ 7:00 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa mga karaniwang sakit na nauugnay sa pagtaas ng temperatura tuwing tag-init.

Partikular na binalaan ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire ang mga senior citizen laban sa heat stroke at dehydration.

“Yung ating vulnerable population: nakakatanda at maysakit—’pag sobrang init tinataasan ng presyon. So magiingat din tayo at laging magpakonsulta sa ating mga doktor,” sabi ni Vergeire.

Pinayuhan din ni Vergeire ang publiko na bantayan ang kanilang blood pressure tuwing dry season o summer.

Karaniwan din aniyang sakit ang conjunctivitis o sore eyes sa panahon ng mainit na panahon. Gayundin, dapat panatilihing malinis ang katawan upang maiwasan ang mga sakit sa balat.

Payo ng opisyal, laging magdala ng malinis na inuming tubig, magsuot ng preskong damit, sumbrero upang may pananggalang sa init ng araw.

Sakali naman aniyang makaranas ng pangangati ng balat ay huwag mag-atubiling magpasuri sa doktor o health center upang agad itong malunasan at hindi na makapanghawa pa ng iba.

Dahil mainit ang panahon, pinaalalahanan din ng DOH ang publiko lalo na sa mga eskwelahan, na tiyaking ligtas at hindi madaling masira ang mga pagkain. Jocelyn Tabangcura-Domenden