DOH nagtalaga ng ‘social mobilizers’ sa Region 1

DOH nagtalaga ng ‘social mobilizers’ sa Region 1

July 24, 2022 @ 1:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nagpadala ng “social mobilizers” ang Department of Health-Ilocos Sur upang magbigay ng special assisstance at tumulong na hikayatin ang mga tao na tanggapin ang kanilang libreng bakuna upang higit pang mapahusay ang saklaw ng pagbabakuna ng booster ng target na populasyon sa rehiyon.

Magsasagawa ng house-to-house information campaign ang social mobilizers kabilang ang office at school visits at ipaliwanag ang side effects at advantages ng COVID-19 vaccine at kumbinsihin ang mga tao na magpabakuna.

Imamapa din nila ang iba’t ibang komunidad at tutukuyin ang mga dahilan kung bakit mababa ang pagtanggap ng pagbabakuna.

Sinabi ni Regional Director Paula Paz M. Sydiongco na kukumbinsihin ng mga social mobilizer ang mga taong nag-aalangan na makakuha ng bakuna laban sa COVID-19.

“Malaking challenge ito sa kanila dahil kailangang nilang makumbinsi ang mga ayaw magpabakuna at takot magpabakuna. We really need everyone’s help to convince them and provide them the protection they need against the virus, especially now that cases are already on the rise.” ani Sydiongco

Ipapaalam ng mga social mobilizer sa komunidad ang tungkol sa mga benepisyo at epekto ng Covid-19 vax bago bumisita ang pangkat ng pagbabakuna sa bawat bahay at lugar ng trabaho sa lugar upang ibigay ang mga iniksiyon.

“Nabigyan na natin ang mga kailangang mabigyan ng bakuna at patuloy pa rin ang vaccination activities sa mga barangay kasama ang ating mga lokal na pamahalaan sa mga malls, marketplace, covered courts, plazas, bus terminals and iba pang accessible na pampublikong lugar.”

“We have provided vaccination posts in all areas where people can conveniently come and get their booster shots,” sabi pa ni Sydiongco

Idinagdag ni Sydiongco na ang paggamit ng mga social mobilizer ay katuwang ng United Nations Children’s Fund (UNICEF).

Magpapakalat ng mga social mobilizer sa mga lalawigan ng La Union at Pangasinan.

Noong Hulyo 22, 2022, nabakunahan na ng rehiyon ng Ilocos ang 3.7 milyong indibidwal o 86.9% at 904,964 o 21.9% lamang ang nakatanggap ng kanilang unang booster dose.

Ang DOH ay muling maglulunsad ng kampanya sa buong bansa sa Hulyo 26, 2022 na tinatawag na “PinasLakas” Covid-19 vaccination drive na naglalayong magbigay ng pangunahing dosis sa 90% ng target na populasyon ng matatanda at mabakunahan ang 50% ng target na populasyon sa unang booster dose. Jocelyn Tabangcura-Domenden