DOH nakapagsumite na ng vax deals documents sa COA

DOH nakapagsumite na ng vax deals documents sa COA

December 15, 2022 @ 4:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nakapagsumite na ang Department of Health (DOH) ang mga kinakailangang dokumento na may kaugnayan sa COVID-19 vaccine procurement ng gobyerno sa Commission on Audit (COA).

Mismong si DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire ang personal na nagbigay ng dokumento sa COA SA gitna ng mga isyu na ang DOH ay umanoy tumatanggi sa paglabas ng detalye ng vaccine procurement contracts dahil sa non-disclosure agreements (NDA) sa mga suppliers.

Sinabi ni Vergeire na hindi magiging hadlang ang isyu sa COVID-19 vaccination program ng DOH.

Sa blue ribbon committee hearing noong Miyerkules, idiniin ni committee chairperson Senator Francis Tolentino sa DOH na magbigay ng petsa kung kelan makakapagsumite ng dokumento para sa pagsisimula ng audit ng COA sa vaccine procurement kung saan nangako si Vergeire na magsumite ngayong Huwebes.

Ayon kay COA chairman Gamaliel Cordoba, ang World Bank (WB) at ang Asian Development Bank (ADB) ay humiling ng special audit sa loans na ipinagkaloob nila sa gobyerno ng Pilipinas para sa pagbili ng mga bakunang COVID-19.

Nangako naman si Cordoba na tiyakin ang kumpletong pag-audit ng mga pampublikong pondo na ginamit para sa pagkuha ng bakuna.

Nauna nang sinabi ng DOH na nagpadala ng sulat sa COA na humihiling ng special audit at pinili ang COA na siyang auditing firm sa kasunduan.

Ipinaliwanag ni Vergeire na noong October 2021, nakipag-usap sila sa vaccine manufacturer tulad ng Pfizer, Astrazeneca, Moderna, Sinovac, bukod sa iba pa na humihiling ng kanilang pahintulot para ibunyag ng DOH ang impormasyon sa COA gayundin sa Senado.

Dagdag pa ni Vergeire, pinayagan sila ng Pfizer na ibunyag ang detalye sa COA ngunit dapat ding panindigan ng audit agency ang kasunduan sa pagiging kumpidensyal.

Sinabi ni Vergeire na hindi nila naibigay ang dokumento sa COA dahil sinabi ng huli na hindi sila sakop ng confidentiality agreement dahil pinasok lamang ito ng DOH at ng manufacturer.

Samantala, sinabi ni Vergeire na ang Sinovac ay hindi pumayag na ibunyag ang kanilang kontrata lalo na ang impormasyon sa presyo ng bakuna.

Sa kabilang banda, pumayag naman ang Astrazeneca na ibunyag ang pornasyon ngunit dapat itong ibunyag nang maingat. Jocelyn Tabangcura-Domenden