DOH nakapagtala ng 44 bagong kaso ng Omicron sub-variants

DOH nakapagtala ng 44 bagong kaso ng Omicron sub-variants

January 28, 2023 @ 9:42 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nakapagtala lamang ng 44 na bagong kaso ng Omicron subvariants ang Department of Health (DOH) batay sa huling sequencing ng Philippine Genome Center noong Enero 18.

Inuri bilang BA.2.3.20 ang kabuuang 19, walo ang XBB, apat ang BA.5, at isang kaso ng BN.1 na iniulat sa ilalim ng BA.2.75.

Natukoy din ng DOH ang 12 kaso ng iba pang Omicron sublineage.

Sinabi ng Kagawaran na lahat ng karagdagang kaso ng BA.2.3.20 ay mga lokal na kaso mula sa Rehiyon 1, 3, at 4A.

Ayon pa sa DOH, ang mga bagong kaso ng XBB ay nagmula sa Regions 1, 3, 9, at National Capital Region (NCR).

Samantala, ang kamakailang natukoy na kaso ng BN.1 ay isang Returning Overseas Filipino (ROF), habang sa apat na kaso ng BA.5 na natukoy, tatlo ay mga lokal na kaso mula sa Rehiyon 3 at Cordillera Administrative Region (CAR), at ang natitirang kaso ay isang ROF.

Nauna nang sinabi ng DOH na patuloy nilang binabantayan, sa lokal at pandaigdigang antas, ang laganap na Omicron subvariants na may mas mataas ang transmissibility.

Ayon kay DOH-Epidemiology Bureau Director IV Dr. Alethea De Guzman, sinusubaybayan ng DOH ang dalawang subvariant ng Omicron, BQ.1 at BA.2.75 batay sa sequence submission.

Sinabi ni De Guzman na ang BQ.1.1 ay halos 14%, habang ang BA.2.75 ay humigit-kumulang 17% ng prevalence. Jocelyn Tabangcura-Domenden