DOH nakatutok sa kaso ng foot and mouth disease sa Batangas

DOH nakatutok sa kaso ng foot and mouth disease sa Batangas

October 19, 2022 @ 7:00 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Iniimbestigahan na ng Department of Health (DOH) ang umano’y mga kaso ng hand, foot and mouth disease (HFMD) sa San Pascual at iba pang parte ng Batangas.

Sinabi ni Health Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire na ang HFMD ay sanhi ng coxsackievirus.

Ayon sa opisyal, maari itong mailipat sa ibang tao sa pamamagitan ng droplets.

Dagdag pa ni Vergeire, ang secretions katulad ng pawis ng isang tao ay maaring makahawa pa sa isang tao na magreresulta sa lesions sa bibig, kamay at paa.

Kapag bukas aniya ito ay maari pa ring makahawa.

Sinabi pa ni Vergeire na ang sakit ay maaari ding maipasa sa pamamagitan ng dumi ng tao.

Habang ang HFMD ay kadalasang nakakaapekto sa mga bata na may edad 5 hanggang 7 taong gulang, maaari pa rin itong magdulot ng sakit sa sinuman.

Karaniwang nagsisimula ang sakit sa pagkakaroon ng lagnat, ubo at sipon.

Ang mga sugat at lesions ay maaari ding mabuo sa dila, gilagid at loob ng pisngi gayundin ang mga pantal sa mga palad at talampakan.

Sinabi ni Vergeire na ang mga komplikasyon ay maaring lumitaw kung ang sakit ay hindi pinapansin.

“Ang komplikasyon po ng HFMD, although hindi siya common, nagkakaroon ng meningitis, encephalitis, or polio-like paralysis,” saad ni Vergeire.

Sinabi pa niya na ang kakulangan ng kaalaman at pag-unawa ng mga magulang ay maaaring nag-ambag din sa pagkalat ng virus.

Dahil dito ay patuloy na inaalam ng DOH ang pinagmulan ng outbreak kasabay ng pamamahagi ng mga gamit para sa disinfection sa mga apektadong lugar. Jocelyn Tabangcura-Domenden