DOH nilinaw na patuloy sa pamamahagi ng benepisyo ng health workers

DOH nilinaw na patuloy sa pamamahagi ng benepisyo ng health workers

November 24, 2022 @ 7:27 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Binigyan-diin ng Department of Health na patuloy nilang ibinibigay ang mga benepisyo at allowance ng mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan sa publiko at pribadong sektor.

Ayon sa DOH, ang mga kamakailang inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) ay naipamahagi na sa Centers for Health Development at batay sa mga ulat, ang pampublikong sektor ay nakapagbigay na ng humigit-kumulang 90% ng mga allowance sa mga ospital at pasilidad, habang nasa 40% sa ang mga pribadong pasilidad sa kalusugan.

Dagdag pa ng DOH, kailangang makipag-ugnayan ang public at private hospitals at pasilidad sa kanilang regional offices at sumunod sa kumpletong listahan ng mga kinakailangan na ginagabayan ng mga panuntunan at proseso sa pag-audit ng pamahalaan na itinakda ng Commission on Audit (COA) upang maiwasan ang pagkaantala ng paglabas ng Health Emergency Allowances.

Hinikayat din ng DOH ang lahat ng health facilities na makipag-ugnayan sa kani-kanilang Centers for Health Development sa pagsisumite ng kinakailangang dokumento upang matiyak ang napapanahong paglabas ng HEA sa mga karapat-dapat na HCWs at non-HCWs.

Ang inilabas na pahayag ng DOH ay matapos muling magsagawa ng kilos-protesta ang mga health workers sa harap ng tanggapan ng Kagawaran nitong Huwebes ng umaga kung saan kinalampag ang gobyerno sa hindi pa naibibigay na mga benepisyo tulad ng HEA. Jocelyn Tabangcura-Domenden