DOH, OSG bahagi dapat ng negotiating team sa pagbili ng COVID vax – Tolentino

DOH, OSG bahagi dapat ng negotiating team sa pagbili ng COVID vax – Tolentino

March 10, 2023 @ 11:20 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Dapat nasa lupon ang Department of Health at ang Office of the Solicitor General ng negotiating team sa pagbili ng bakuna laban sa COVID 19, ayon kay Senador Francis Tolentino matapos ihain ang resulta ng imbestigasyon sa anomaly noong pandemya.

Sa panayam, sinabi ni Tolentino na inirekomenda ng Blue Ribbon Committee na kanyang pinamumunuan na dapat ganito ang set-up sa pagpasok sa non-disclosure agreements ng pamahalaan sa pagbili ng bakuna sa hinaharap.

“Siguro ang magandang isama sa recommendation, ‘yung end-user, ‘yung recipient should be part of the negotiating team and the Solicitor General,” ayon kay Tolentino.

“Kasi dito, [National Task Force against COVID-19] and [Department of Finance]—hindi kasama sa hapag ‘yung DOH, di ba? Walang virologist, walang epidemiologist,” giit niya.

Tinapos ng naturang komite ang imbestigasyon sa pagtanggin ng DOH na ilantad ang detalye ng pagbili ng vaccine procurement contract dahil lalabagin nito ang umiiral na Non-Disclosure Agreement (NDA).

Lumutang ang isyu ng NDAs sa deliberasyon ng 2023 budget noong nakaraang Nobyembre na kung saan itinanong ni Senador Francis Escudeero kung paano nagsasagawa ng audit ang Commission on Audit sa paglalaan ng pondo at pangungutang sa pagbili ng bakuna dahil walang report ang kinauukulang ahensiya.

Sinabi ni Senador Sonny Angara, na nagtanggol sa badyet ng COA na nagsagawa ang ahensiya ng audit sa bilang at paggamit ng bakuna pero hindi sa aktuwal na pondong ginamit sa pagbili nito.

Inihayag ni Joycelyn Ramos, kinatawan ng COA sa ginanap na huling pagdinig ng Senate blue ribbon hearing nitong Huwebes na nagsumite sila ng specia audit report sa pagbili ng bakuna noong Pebrero 5.

Nakapokus ang report sa contract review at hindi sa espisipikong transaksiyon, ayon kay Ramos.

“Among the findings that the COA had included in their report, Ramos said, are the lack of provisions on liquidated damages in case of delays, no provision on performance bond, and the lack of provision on suppliers’ liability for non-delivery,” ayon sa COA.

Sa kabila nito, sinabi ni Ramos na ikinonsidera ng COA sa special audit report na pinasok ang kontrata sa “very inopportune time.” Ernie Reyes