DOH pabor sa pagbabakuna sa mga bata edad 4-anyos pababa

DOH pabor sa pagbabakuna sa mga bata edad 4-anyos pababa

October 12, 2022 @ 4:38 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Bukas ang Department of Health sa pagpayag sa pagbabakuna laban sa COVID-19 ng mga batang may edad na apat na taong gulang pababa habang nakabinbin ang resulta ng pagsusuri ng Philippine Food and Drug Administration (FDA).

Sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang emergency use authorization (EUA) ng mga bakuna para sa nasabing age group ay kailangan munang aprubado ng FDA.

“Tayo naman po dito sa Kagawaran ng Kalusugan, bukas tayo lalong-lalo na alam natin na ‘yung mga vulnerable sector natin, kailangan mabakunahan. Pero tayo rin…kailangan dumaan tayo doon sa proseso ng page-evaluate nitong mga produktong ito,” sabi ni Vergeire sa isang press briefing.

Ayon kay Vergeire, inaantay pa ang evaluation ng FDA dito sa bansa kung ito ay makakapasa sa ipinasang EUA para sa COVID-19 vaccine ng edad 5-taong gulang pababa.

Ginawa ni Vergeire ang pahayag matapos hingan ng komento ni Infectious Disease expert Dr. Rontgene Solante tungkol sa pagbabakuna sa maliliit na bata.

“Mas maganda pa rin na maisali na rin sila sa vaccination, especially the two years old and below na palaging exposed din sa mga adult,” ayon sa pahayag ni Solante.

Noong nakaraang buwan nang sabihin ni Vergeire na nakabinbin sa FDA ang mga aplikasyon para sa pagpapalabas ng EUA sa mga bakuna para sa COVID-19 sa mga bata apat na taong gulang pababa.

Sinabi ni Vergeire na kailangang suriin ng FDA kung ligtas at epektibo ang mga bakuna.

Base sa pinakahuling datos ng DOH, nasa 73.3 milyon Filipino na ang fully vaccinated laban sa COVID-19 habang 20.1 milyon ang nakatanggap ng kanilang booster shots. Jocelyn Tabangcura-Domenden