DOH patuloy na nakikipag-ugnayan sa DBM sa COVID allowance ng healthcare workers

DOH patuloy na nakikipag-ugnayan sa DBM sa COVID allowance ng healthcare workers

November 16, 2022 @ 12:06 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Health (DOH) na patuloy itong nakikipag-usap sa Department of Budget and Management (DBM) at iba pang ahensya ng gobyerno para sa karagdagang pondo para sa COVID-19 response allowance ng healthcare workers.

“So, sa ngayon po, we have already released P19.4 billion na galing po sa ating General Appropriation Act (GAA) and Special Allotment Release Orders (SAROs) ni-release po yun ng DBM para sa ating health care workers,” sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire press briefing nitong Martes.

Kamakailan aniya ay hinirit ng DOH ng P27 bilyon sa DBM upang masaklaw ang natitirang buwan ng taon na hindi pa nako-cover ng health emergency allowance.

Sa ngayon aniya ay hinihintay pa ang kasagutan ng DBM sa kanilang kahilingan at issuance nito upang maipamahagi sa mga healthcare workers.

“Sana bago mag-pasko, maibigay natin para masaya ang pasko ng ating mga health care workers,” dagdag ni Vergeire.

Matatandaang nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act (RA) No. 11712 na kilala rin bilang “Public Health Emergency Benefits and Allowances for Healthcare Workers Act,” na nag-uutos ng patuloy na benepisyo sa lahat ng healthcare worker sa bansa sa panahon ng pandemya ng COVID-19 at iba pang public health emergencies sa hinaharap. Jocelyn Tabangcura-Domenden