DOH sa CHED sa F2F classes: Mag-ingat vs Omicron

DOH sa CHED sa F2F classes: Mag-ingat vs Omicron

January 28, 2022 @ 10:10 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Department of Health (DoH) ang Commission on Higher Education (CHED), at maging ang higher education institutions (HEIs) na magpapatupad ng limited face-to-face classes, na magsagawa ng pag-iingat laban sa posibleng transmission ng Omicron variant.

Sa idinaos na webinar na may pamagat na “COVID-19 Situationer and Omicron Variant Implications for the Resumption of Limited Face-to-face classes”, araw ng Huwebes, Enero 27, sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na pinapayagan ng pamahalaan ang school reopening sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Levels 1 hanggang 3.

Subalit, kapag ang mga eskuwelahan na ito ay muling binuksan ang face-to-face classes, dapat na magpatupad ang mga ito ng matinding pag-iingat lalo pa’t nandiyan pa rin ang highly transmissible Omicron variant ng coronavirus.

“We have to exercise caution against a possible Omicron transmission while allowing reopening schools in areas under Alert levels 1 to 3,” Vergeire said as part of the key strategies for safe school reopening ang rekumendasyon ng DOH.

Maliban dito, ang mga eskuwelahan aniya na mag-aalok ng limited face-to-face classes ay kailangan na “ensure implementation of minimum public health standards (MPHS).”

Idagdag pa rito, sinabi ni Vergeire na hinikayat ng DOH ang mga estudyante at personnel ( teaching at non-teaching) na magpabakuna at kumuha ng booster shots laban sa coronavirus disease (COVID-19).

“We recommend the conduct of strict symptom monitoring with immediate quarantine or isolation of individuals who are symptomatic,” paliwanag ni Vergeire.

“More importantly, schools should “prepare for contingency plans which are ready to be implemented when individuals develop COVID-19 symptoms.”dagdag ni Vergeire.

Dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang HEIs, sinabi ni CHED Chairperson Popoy De Vera na layon ng webinar na ipaalam sa higher education sector ang kasalukuyang estado ng COVID-19 cases sa bansa kabilang na ang high-risk areas, projection, at iba pang related topics.

Sa nasabi pa ring webinar, ang implikasyon at case management ng Omicron variant para sa pagsasagawa ng limited face-to-face classes ay napag-usapan din.

“All throughout the period of COVID, I think one of the strengths on why higher education has been able to adjust is because we constantly meet and constantly talk,” ayon kay De Vera.

Samantala, umaasa naman si De Vera na sa pamamagitan ng webinar, matutulungan ng CHED ang HEIs na makagawa ng data-driven decisions habang naghahanda para sa pagpapatuloy ng limited face-to-face classes. Kris Jose