DOH sa LGUs: Patakaran sa ikalawang booster shot ‘di nagbago

DOH sa LGUs: Patakaran sa ikalawang booster shot ‘di nagbago

December 7, 2022 @ 11:11 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga local government units na sumunod sa mga alituntunin sa pagbibigay ng pangalawang booster shot laban sa COVID-19.

Sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na wala pang ebidensya na ang pagbibigay ng second booster sa pangkalahatang publiko ay madadagan ang proteksyon mula sa naturang sakit.

Hindi na rin aniya maaring makatanggap ng bivalent vaccine booster ang mga indibidwal na nakatanggap na ng kanilang ika-apat na dose.

“Kapag dumating ‘yong bivalent vaccine at nabigyan niyo ng second booster ‘yong inyong mga kababayan ngayong time na ito, baka hindi pa rin sila maging eligible as soon for this bivalent kasi may number of months tayong bibilangin bago sila mabigyan ” ,dagdag ni Vergeire.

Inulit din ni Vergeire na ang alituntunin ay “batay sa agham at ebidensya” at patuloy ang DOH na nakikipagtulungan sa mga eksperto upang makapagsimula ito ng isa pang rollout sa sandaling makalap ng sapat na ebidensya na nagsasabing ang ikaapat na shot ay magdaragdag ng proteksyon sa pangkalahatang populasyon.

Sa kabilang banda, iniulat ni Vergeire na ang low vaccine uptake ay nananatiling isang hamon sa paglulunsad ng Bakunahang Bayan na nagiging sanhi ng pag-expire ng milyun-milyong bakuna.

Ang paggamit ng bakuna ay bumuti sa huling bahagi ng 2021 ngunit nagsimulang humina sa unang quarter ng taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden