DOH sa mga magulang: Booster shot ng bagets, samantalahin

DOH sa mga magulang: Booster shot ng bagets, samantalahin

June 23, 2022 @ 9:17 AM 7 days ago


MANILA, Philippines – Ipinaalala ng Department of Health (DOH) sa mga magulang na huwag isantabi ang pagkakataon para madagdagan ang proteksyon ang kanilang anak laban sa COVID-19.

Sa pag-arangkada ng patuturok ng 3rd dose o booster shot para sa 12 hanggang 17-anyos, ipinaliwanag ni Dr. Anna Ong-Lim ng Department of Health o DOH Technical Advisory Group sa mga magulang o caregivers at mga kwalipikadong menor-de-edad, na matagal nang hinihintay na mabigyan ng booster dose ang mga bata para na rin sa paghahanda ng in-person classes .

Si Dr. Ong-Lim ay kilala ring pediatric infectious disease specialist.

Mayroon na aniyang sapat na ebidensya para mairekumenda ang pediatric booster dose, at handang-handa na ang rollout.

Sinabi nito na maganda rin ang “timing at approvals” lalo’t parte ito ng paghahanda ng pababalik ng face-to-face classes ng mga estudyante.

Umaasa si Dr. Ong-Lim na sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwang summer break at magkaroon ng booster rollout — sana ay masakop aniya ang karamihan sa mga magbabalik-eskwela bago ang pagbubukas ng klase.

Dito aniya, magiging handa na ang mga katawan ng mga estudyante na kalabanin ang sakit, at makatututok na talaga sa kanilang pag-aaral.

Samantala, sinabi ni Dr. Ong-Lim na huwag na ring palagpasin ang panahon para maging updated sa “catch-up vaccination” o pagbabakuna laban sa vaccine preventable diseases o VPD lalo na sa maliliit na mga bata. Jocelyn Tabangcura-Domenden