DOH sa mga residenteng hagip ng OrMin oil spill: Tamang facemask isuot; malinis na tubig inumin

DOH sa mga residenteng hagip ng OrMin oil spill: Tamang facemask isuot; malinis na tubig inumin

March 8, 2023 @ 8:34 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang mga residente sa mga lugar na apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro na magsuot ng tamang face mask at uminom lamang ng tubig mula sa ligtas at malinis na pinagkukunan.

Sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang nakolektang sample mula sa ibat-ibang water sources sa lugar ay sinimulan na.

“Wala pa hong lumalabas na resulta ng tests, ‘yung test po na ginawa ng DENR [Department of Environment and Natural Resources] at Philippine Coast Guard para malaman ‘yung mga kemikal na nandoon sa shorelines hindi pa ho lumalabas ‘yun”,ani Vergeire.

Dahil dito, naglabas ng gabay ang DOH sa municipal health officer at local officials sa pagbubukod ng mga residente base sa kanilang lokasyon – ang mga nakatira sa loob ng 100 metro at 500 metro mula sa apektadong lugar.

Sinabi ni Vergeire na ang mga residente na nakatira sa100 metro mula sa apektadong lugar ay kailangan suplayan ng malinis na maiinom na tubig ng lokal na gobyerno.

Dapat ding gumamit ang mga residente ng industrial mask na ibinigay ng DOH at hindi ang surgical mask.

Pinayuhan din ang mga residente lalo ang mga nakatatanda at mga indibidwal na may problema sa baga na nakatira sa loob ng 100 metro na ma-relocate o manatili sa kanilang mga kaanak na nakatira malayo sa apektadong lugar.

Nauna rito, iniulat ng DOH na ilang residente malapit sa mga lugar na tinamaan ng langis ang nakaranas ng pananakit ng ulo at hirap sa paghinga.

Ang oil spill na kumalat sa malaking bahagi ng katubigan sa may Oriental Mindoro at matapos lumubog ang MT Princess Empress na may kargang 800,000 litro ng industrial oil. Jocelyn Tabangcura-Domenden