DOH sinigurong ‘authentic’ lahat ng COVID vax sa vaccination sites

DOH sinigurong ‘authentic’ lahat ng COVID vax sa vaccination sites

July 6, 2021 @ 11:16 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Siniguro ng Department of Health na ‘authentic’ ang lahat ng COVID-19 vaccine sa mga vaccination site.

“Itong bakuna na binigay ng national government, this is authentic at nagdaan sa masusing proseso. Meron ding mga EUA ‘yan at certificate of analysis,” giit ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang panayam sa GMA News.

Ito ang paniniguro ng DOH matapos mahuli ang tatlong indibidwal na umano’y nagbebenta ng COVID-19 vaccine.

“Lahat ng pumapasok na bakuna sa ating bansa ay nagdadaan sa national government. We are very strict on that because of its EUA; it could not be commercially available yet,” ani Vergeire.

Pinaiiwas din ng opisyal ang publiko sa pagtangkilik sa peke at smuggled na bakuna.

“Ang kailangan lang po ang ating mga kababayan ay tangkilikin ang mga bakuna na binibigay ng ating government through our official vaccination sites,” aniya.

Nahuli ng National Bureau of Investigation Task Force Against Illegal Drugs ang tatlong indibidwal habang nakatakas ang isa pa.

Nakuha sa mga suspek ang 300 dose ng Sinovac vaccine.

Ayon sa NBI, binibenta ang mga bakuna sa mga empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators. RNT/ELM