DOH sinita ni Concepcion sa mga nasayang na COVID vax

DOH sinita ni Concepcion sa mga nasayang na COVID vax

December 26, 2022 @ 4:41 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinita ni dating Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion ang Department of Health kaugnay ng sandamakmak na nasayang na mga COVID-19 vaccine mula sa pribadong sektor at local government units.

Ani Concepcion, naiwasan sana ang pagkasayang ng mga bakunang ito kung mas pinalawak pa ang eligibility ng mabibigyan ng 2nd booster.

“Unfortunately, the DOH is saying it is the private sector who was the cause of the expired vaccines,” sinabi nito sa panayam ng ANC.

“I think that’s totally wrong because we already told them much earlier on that the HTAC (Health Technology Assessment Council) should have adjusted the priority sectors,” dagdag pa niya.

Ang HTAC ay ang independent advisory body sa ilalim ng DOH.

Sa kasalukuyan, ang ikalawang COVID-19 booster ay ibinibigay lamang sa mga healthcare workers, matatanda at mayroong comorbidities.

Hindi pa inirerekomenda ang pagbibigay nito sa malaking bahagi ng populasyon.

Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, wala pang ebidensya na ang ikalawang COVID-19 booster ay magbibigay ng malaking benepisyo sa publiko.

Kamakailan, sinabi ng DOH na ang malaking bulto ng mga nasayang na COVID vaccine ay nagmula sa pribadong sektor sa 44.82% at LGUs sa 33.35%. RNT/JGC