DOH: Target mabakunahan sa “Vax-Baby-Vax” campaign, nalagpasan

DOH: Target mabakunahan sa “Vax-Baby-Vax” campaign, nalagpasan

November 22, 2022 @ 1:56 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Nalagpasan na ng gobyerno ang 100 porsyentong target para sa mga sanggol na babakunahan sa inilunsad na “Vax-Baby-Vax” campaign sa koordinasyon ng local government units.

Ayon sa Department of Health (DOH), nasa 137,701 sanggol sa National Capital Region (NCR) ang nakatanggap na ng kanilang regular na bakuna simula Nobyembre.

Ang bilang na ito ay lumagpas sa orihinal target ng ahensya na 137,000 mababakunahan sa Metro Manila, na nagdala sa kabuuang coverage sa 100.48 porsyento.

Ang 10-day catch-up immunization campaign na inilunsad noong Nob. 7 ay layon na maprotektahan ang mga sanggol sa NCR na edad 0-12 buwan gulang laban sa vaccine preventable diseases (VPDs) kabilang ang polio, measles, mumps, rubella, diphtheria, hepatitis B, at human papilloma virus (HPV).

Sinabi ng DOH na ang Manila City ang top performing city na may pinakamataas na naitalang mga nabakunahan sa nasabing age group na nasa 28,073 sanggol o 130% immunized.

Sinundan ito ng Quezon City na may 23,732 sanggol o 129%; at Parañaque City na may 10,803 sanggol o 122%.

“We are very proud of this achievement not because we exceeded our target, but because having done so means that we were successful in protecting our children against debilitating but easily-preventable diseases,” sabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire.

Umapela rin ang health OIC sa mga magulang na nakaligtaan ang bakuna ng kanilang mga sanggol dahil sa pandemya na pabakunahan na para sila ay maproteksyunan laban sa VPDs. Jocelyn Tabangcura-Domenden