DOH tumugon nang maayos sa syringe offer ng US – Duque

DOH tumugon nang maayos sa syringe offer ng US – Duque

December 14, 2021 @ 2:42 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Iginiit ni Health Secretary Francisco Duque III nitong Martes na mayroon umanong dokumento ang Department of Health (DOH) na nagpapakita ng maayos na pakikipag-usap ng ahensya sa supplier na nag-alok ng 50 milyong hiringgilya.

Ito ay matapos sabihin ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na dapat umanong “professionally on the right” at hindi “junior level” ang naging tugon ng DOH sa alok.

“‘Yung sinasabi niyang dapat sagutin nang professional, meron kaming dokumento na nagpapakita,” depensa ni Duque sa Unang Balita.

“Binigyan namin ng sagot in a professional manner, ang email, may mga balikan ng email threads. In fact, si Secretary Vince Dizon interviewhin ninyo, kasama siya doon sa email thread,” dagdag niya.

Ani Duque, nakipag-ugnayan umano ang supplier sa DOH Central Office Bids and Awards Committee.

“Anong problema mo sa Bids and Awards Committee na junior? Ang importante sumusunod sa proseso… kailangan sumunod sa proseso,” sabi niya.

Nitong Linggo, sinabi ni Locsin na “the government dropped the ball again” matapos pumalya na mabili ang 50 milyong hiringgilya mula sa Estados Unidos.

Bilang tugon, iginiit ni Duque na tinanggihan ang naturang alok dahil masyado umano itong mahal. RNT/SA