DOH tutugon sa COVID vaxx procurement probe ng Senado

DOH tutugon sa COVID vaxx procurement probe ng Senado

December 7, 2022 @ 10:09 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na makikipagtulungan ang ahensya sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa procurement ng  COVID-19 vaccines at magbibigay ng kaukulang dokumento kung kinakailangan ng batas.

Ito ay makaraang i-anunsyo ng Senate blue ribbon committee na sisiyasatin  nito ang  hindi pagsisiwalat o non-disclosure ng COVID-19 vaccine deals dahil sa mga kasunduan sa mga kumpanyang sangkot.

Sinabi ni Vergeire na bukas ang Kagawaran sa anumang imbestigasyon hinggil sa usapin at makikipagtulongan at ibibigay ang dokumento.

“Wala po tayong hindi pagbibigyan kung ito ay base sa batas. Kung sakali pong hihingin ng Senado, tapos ito naman ay according sa mga nakasulat dun sa mga agreements namin, maaari naman pong magbigay,” sabi ni Vergeire.

Nauna nang sinabi ni Vergeire na pinapayagan ang DOH na magbigay sa Commission on Audit ng mga dokumento kaugnay sa pagbili ng mga bakuna laban sa COVID-19.

Ito ay dahil sa special audit na hiniling ng World Bank (WB) at ng Asian Development Bank (ADB) sa mga pautang na ibinigay nila sa gobyerno ng Pilipinas para sa pagbili ng mga COVID-19 vaccines na kung saan ang COA ay nakatuon sa pagtiyak ng kumpletong pag-audit.

Sinabi ni Vergeire na ang DOH ang siyam humiling sa COA ng special audit  at pinili ang COA na maging auditing firm nito sa mga kasunduan. Jocelyn Tabangcura-Domenden