DOJ aminadong magkakaproblema sa reinvestigation ng ICC sa war on drugs

DOJ aminadong magkakaproblema sa reinvestigation ng ICC sa war on drugs

September 12, 2022 @ 8:14 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Problema ang maaring idulot kung ipipilit ng International Criminal Court (ICC) na ituloy ang imbestigasyon sa mga kaso ng pagpaslang kaugnay sa kampanya kontra iligal na droga ng bansa.

Magugunita na isinumite ng Pilipinas sa pamamagitan ng Office the Solicitor General (OSG) ang “The Observation” bilang tugon sa nais ni ICC Prosecutor Kamir Khan na buksan muli ang imbestigasyon sa war on drugs ng Duterte administration.

Sinabi ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na kung itutuloy ni Khan ang nais ay magiging kuwestyon kung ano ang magiging awtoridad nito at ang mga enforcement measure para maisakatuparan ang imbestigasyon dahil hindi na sakop ng ICC ang bansa matapos kumalas ang Pilipinas dito.

Pero umaasa pa rin si Vasquez na masasapatan ang ICC Pre-Trial Chamber sa paliwanag na isinumite ng OSG.

Tiwala rin si Solicitor General Menardo Guevarra na magiging patas ang PTC sa isyu.

Kumpiyansa si Guevarra na wala nang basehan uoang ituloy ang planong imbestigasyon dahil umuusad naman ang domestic proceedings sa Pilipinas.

Handa naman aniyang iapela ng OSG sa appeals chamber ng ICC ang isyu sakaling magpasya ang PTC na iutos ang pagpapatuloy sa war on drugs probe.

Ayon pa kay Guevarra, kahit pa ituloy ng ICC prosecutor ang pagsisiyasat nito sa isyu ay wala itong maasahang kooperasyon sa pamahalaan.

Umapela naman ang DOJ sa ICC na kilalanin ang justice system ng bansa lalo na’t soberenya ang nakasalalay rito at hindi na miyembro ang Pilipinas sa ICC.  TERESA TAVARES