DOJ, DILG execs nagpulong bago maghain ng kaso sa Percy Lapid slay

DOJ, DILG execs nagpulong bago maghain ng kaso sa Percy Lapid slay

November 7, 2022 @ 6:45 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Nagpulong ang mga opisyal ng ilang ahensya ng pamahalaan nitong Linggo upang talakayin ang key findings isang araw bago maghain ng kaso laban sa mga sangkot sa pagpatay sa broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa.

Sa ulat nitong Linggo, sinabi ni DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. na nagsilbi ang pulong na final briefing ng top officials upang maging “airtight” ang lahat.

Kabilang sa mga dumalong opisyal sina DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla, National Bureau of Investigation (NBI) Director Director Medardo de Lemos, Philippine National Police (PNP) Chief General Rodolfo Azurin Jr., at NCR Police Office Director Brigadier General Jonnel Estomo.

“We are preparing lahat ng [all of the] documentary requirements for a possible fight,” pahayag ni Southern Police District Director Brigadier General Kirby John Kraft.

Ikinasa ang pagpupulong bago ang itinakdang paghahain ng mga kaso ngayong Lunes, hinggil sa pagpatay kay Mabasa, na pinatay sa pamamarail ng dalawang kalalakihan sakay ng motorsiklo sa Las Piñas City noong Oktubre 3.

Sumuko na sa mga pulis ang self-confessed gunman na si Joel Escorial, at tinukoy ang mga kasabwat na magkapatid na sina Israel at Edmund Dimaculangan at isa pang nangngangalang Orly.

Kinilala rin ni Escorial ang dalawang middlemen na umano’y sangkot din sa krimen na sina Cristito Villamor na dating nakaditene sa New Bilibid Prison, at Christopher Bacoto na nakakulong sa jail facility sa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Inihayag niya na ang pagpatay kay Mabasa ay pinangasiwaan ng isang nagngangalang “Bantag.” Hindi niya tinukoy ang pagkakakilanlan ng nasabing Bantag subalit ang Bureau of Corrections (BuCor) ay pinamumunuan ni Director General Gerald Bantag noong panahong iyon.

Inilahad ni Escorial na sinabihan siya ni New Bilibid Prison inmate Cristito Villamor-Palaña (Jun Villamor) na huwag pangalanan ang nag-utos ng pagpatay, sa takot para sa sariling buhay. Pinatay si Palaña noong Okture 18.

Nakatanggap din umano si Escorial ng P550,000 deposito sa kanyang account para sa pagpatay kay Lapid, na kinumpirma ni Justice Secretary Remulla, ayon sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).

“Some of them have been traced, some of them are still being traced as we speak because that’s not yet the formal report. That’s the preliminary report that we requested,” ani Remulla nitong Linggo. RNT/SA

(Mga larawan kuha ni Crismon Heramis)