DOJ, DILG, NBI pinasalamatan ng pamilya ni Percy Lapid

DOJ, DILG, NBI pinasalamatan ng pamilya ni Percy Lapid

November 7, 2022 @ 6:31 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagpasalamat ang pamilya ng inambush na broadcaster at commentator Percival “Percy Lapid” Mabasa sa sangay ng gobyerno na tumutok sa imbestigasyon at pagsasampa ng kasong murder laban sa suspendidong Bureau of Corrections (Bucor) chief Gen. Gerald Bantag at iba pang kasamahan nito.

Ang pamilya Mabasa, na inirerepresenta ng nakababatang kapatid ni Percy at isa ring batikang mamamahayag na si Roy, ay lubos na nagpapasalamat sa Department of Justice (DOJ), Department of the Interior and Local Government (DILG), National Bureau of Investigation (NBI), at sa kapulisan dahil sa pagsasagawa ng patuloy na imbestigasyon sa pagpatay sa kanyang kapatid.

Kasabay nito ay pinasalamatan din ni Mabasa ang mga supporters at mga tagapakinig ng ni Percy na hindi rin sila iniwan hanggang sa kanilang pagluluksa.

Sa kanyang Facebook page ay ipinaskil ni Mabasa ang statement ng kanilang pamilya matapos sampahan ng kasong murder sina Bantag at iba pang kasamahan nito.

“We are optimistic and asking for prayers and continued support for identifying more masterminds behind Bantag,” ani Mabasa.

Idinagdag pa ni Mabasa ang kanilang pasasalamat dahil sa isinagawang imbestigasyon bunsod ng pagsisiwalat ni Percy ng korupsyon na nagyayari sa loob ng BuCor sa kanyang programang “Lapid Fire” bago pa man tambangan ang broadcaster nitong nakaraang Oktubre 3.

“Sana po ay umpisa na ito upang mapalakas ang proteksyon sa mga mamamahayag na ipinaglalaban ang katotohanan,” ani pa Mabasa.

Sa pagtatapos ni Mabasa ay kanyang binanggit ang mga salita na nanggaling kay Percy na “speaking out the truth is not courage but an obligation” (ang pagbubunyag ng katotohanan ay hindi katapangan kundi isang obligasyon). James I. Catapusan