DOJ iginiit na may hurisdiksyon ito sa kaso ni Bantag

DOJ iginiit na may hurisdiksyon ito sa kaso ni Bantag

December 7, 2022 @ 5:46 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Iginiit ng Department of Justice (DOJ) na ito ang may hurisdiksyon para imbestigahan ang dalawang kasong murder laban kay suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Q. Bantag.

Ito ang inihayag ni DOJ Assistant Secretary at Spokesperson Jose Dominic Clavano IV matapos maghain ng motion to inhibit si Bantag laban sa DOJ panel of prosecutors.

Aniya, tanging ang Ombudsman ang may saklaw sa kanya dahil sa pagiging salary grade 30 na opisyal.

Gayunman, sinabi ni Clavano na malinaw sa batas na ang mga krimen o paglabag na may kaugnayan sa tanggapan ng isang opisyal ang saklaw ng Ombudsman.

Ang mga kaso aniya na may ekslusibong may hurisdiksyon ng Sandiganbayan ay gaya ng corruption, graft, direct bribery, indirect bribery, malversation, at paglabag sa code of ethics ng government employees ang maaring imbestigahan ng Ombudsman.

Binigyan diin ni Clavano na si Bantag ay nahaharap sa murder case at ang may hurisdiksyon dito ay ang Korte.

Dahil sa inihaing mosyon ni Bantag, sinnspinde ng panel of prosecutors ang preliminary investigation nito upang resolbahin muna ang inihaing motion for inhibition.

Sinabi pa ni Clavano na ang DOJ at Ombudsman ay may memorandum of agreement (MOA) sa mga kaso na maaring mayroon silang kaparehong saklaw. Teresa Tavares