DOJ nagulat sa ‘pool’ project ni Bantag sa Bilibid

DOJ nagulat sa ‘pool’ project ni Bantag sa Bilibid

November 17, 2022 @ 11:33 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nagulat ang Department of Justice (DOJ) sa ‘pool’ project o malalim na hukay sa loob ng New Bilibid Prison.

Ito ay makaraang ibuking ni BuCor OIC Gregorio Catapang Jr. noong nakaraang linggo sa panayam ng TV5 ang tungkol sa hukay na nadiskubre niya agad punan ang pwesto ni suspended BuCor chief Gerald Bantag.

Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, na justice secretary sa panahon ng administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte, hindi man lamang niya nalaman ang tungkol sa hukay na ito.

“The same being an operational matter, the BuCor probably did not find it necessary to inform, much less seek authorization from, the DOJ,” dagdag niya.

Ang BuCor ay isang ahensya sa ilalim ng DOJ.

Inookupahan ng headquarters at mga kampo ng NBP ang nasa 254.73 hektarya ng lupain at ang 190 hektarya naman ay ginagamit ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa para sa socialized housing, BuCor farms at ang iba ay inookupahan ng mga informal settlers.

Tungkol naman sa hukay, sinabi ni Catapang sa panayam ng TV5 noong nakaraang linggo na mayroon itong lawak na apat na hektarya na dati ay kinatatayuan ng mga puno.

Ang pinakamalalim pang bahagi ng hukay aniya ay nasa 30 metro o katumbas ng taas ng siyam na palapag na gusali.

Kagyat naman itong inamin ni Bantag at sinabing ipinag-utos niya ang paghuhukay anim na buwan ang nakalilipas sa kanyang layunin na makagawa ng pinakamalalim na swimming pool sa Metro Manila.

Ang naturang swimming pool kung matatapos aniya, ay gagamitin ng mga BuCor personnel na may hilig sa scuba diving tulad niya.

Sinabi naman ni Assistant Secretary Mico Clavano, tagapagsalita ng BuCor na hindi nila alam ang tungkol dito at nagulat na lamang sila nang makita ang mga larawan nito.

Ani Clavano, ipinag-utos na ni Catapang ang pagsasagawa ng imbestigasyon patungkol dito. RNT/JGC