DOJ Sec. Remulla sa pagbuhay ng ICC membership ng Pilipinas: ‘Not my call alone’

DOJ Sec. Remulla sa pagbuhay ng ICC membership ng Pilipinas: ‘Not my call alone’

July 5, 2022 @ 5:22 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – “Not my call alone.”

Ito ang tugon ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla makaraang tanungin kung susuportahan ba niya o kung bukas siya sa panawagan ni dating Senator Leila de Lima na buhaying muli ang membership ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

“We have a functioning judicial system,” dagdag ni Remulla.

Nang tanungin naman kung papayagan ba nila ang ICC na imbestigahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ng kalihim na nag-withdraw na ang bansa sa ICC.

“We have withdrawn from the ICC, as far as I remember,” aniya.

Noong Marso 2018, nang inanunsyo ni Duterte ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute na nagtatag sa ICC.

Matatandaang may nakita ang ICC pre-trial chamber ng “reasonable basis” noong December 2020 para paniwalaang may nangyayaring crimes against humanity sa gitna ng pagpapatupad ng drug war ng administrasyong Duterte.

Gayunman, sinuspinde ang imbestigasyon ng ICC noong November 2021 makaraang sabihin ng awtoridad na sinisilip na ng gobyerno ang mga alegasyong pang-aabuso.

Nito lamang nakaraang buwan nang hiniling ni ICC prosecutor Karim Khan na magkaroon ng pre-trial chamber na mag-o-awtorisa sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa war on drugs.

Una nang sinanbi ni Duterte na paghahandaan niya ang kanyang depensa para sa imbestigasyon ng ICC sa pagbaba niya sa puwesto. RNT/ JCM