DOJ walang pinipiling kasuhan – Sec Guevarra

DOJ walang pinipiling kasuhan – Sec Guevarra

August 6, 2018 @ 11:56 AM 4 years ago


 

 

Manila, Philippines – Dumepensa si Justice Secretary Menardo Guevarra sa akusasyon na taga-oposisyon lamang at kritiko ng administrasyon ang pinipiling kasuhan ng Department of Justice (DOJ).

Sa pagharap ni Guevarra sa budget hearing sa Kamara ay sinagot nito ang pag-usisa  ni Gabriela Rep. Arlene Brosas sa kung ano ang papel ng DOJ sa pagbuhay sa matagal nang naibasurang kaso laban sa dating mga kongresista na sina Satur Ocampo, Rafael Mariano, Liza Maza at Teddy Casiño.

Tugon ni Guevarra, walang kinalaman ang DoJ sa kaso at nasa hurisdiksyon ito ng Nueva Ecija Regional Trial Court.

Aniya, walang pinipili ang DoJ na kasuhan at kanilang inaaksyunan ang lahat ng reklamong dumadaan sa kanila.

Samantala, pinaaaksyunan naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate kay Guevarra ang 1, 530 unfilled positions sa DOJ mula pa noong nakaraang taon habang nasa 750 sa kanilang kawani ay nasa  job orders, contractuals at contract of service status.

Puna ni Zarate na hindi sumusunod ang DOJ sa joint circular order ng Department of Budget and Managament, Civil Service Commission at Commission on Audit na nagbabawal na sa job orders, contractuals, at contract of service sa pamahalaan.

Sagot naman ni Guevarra na kanila nang inuumpisahang punan ang mga vacant positions sa ahensya.

Sa budget deliberations, hiniling naman ni Guevarra na gawing P21.353B ang kanilang 2019 budget na mataas ng P8.59 percent kumpara sa P19.664 billion budget nila noong 2018.

Katwiran ni Guevarra, 77.3 percent ng kabuuan ng kanilang proposed 2019 budget ay ilalaan sa personnel service, 20.56 percent para sa maintenance an other operating expenses (MOOE) ng kagawaran, at tanging dalawang porsiyento o P444 million lang ang mapupunta sa capital outlay. Gail Mendoza