Doktor na nangmolestiya ng pasyente kinasuhan!

Doktor na nangmolestiya ng pasyente kinasuhan!

August 11, 2022 @ 3:02 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Naiulat na nag-resign na ang doktor sa Ospital ng Makati (OsMak) matapos sampahan ng kaso nitong Miyerkules dahil sa umano’y pangmomolestiya sa sa kanyang pasyente matapos magpanggap na ito ay bahagi ng medical procedure.

Ayon sa 18-anyos na pasyente, sasailalim dapat siya sa ultrasound dahil sa sakit ng kanyang tiyan, noong Marso 7.

Sinabi ng pasyente na dinala siya ng doktor sa isang malayong silid sa ikalawang palapag ng ospital para sa ultrasound procedure nang hindi man lamang siya tinutulungan na buhatin ang IV drip o pinasakay sa wheelchair.

Pagpasok sa silid, inilahad ng biktima na nagulat siya nang malaman na walang equipment sa loob para sa proseso.

Doon na umano sinimulang pagsamantalahan ng doktor.

Makikita naman sa susunod na footage ng CCTVng ospital na tumatakbo ang pasyente palabas habang kasunod ang doktor na lumabas ng silid.

“Pinilit kong tumakbo sa third floor kahit masakit yung tiyan ko. Natutulog noon si lola tapos ginising ko siya sabi ko umalis na tayo dito,” paglalahad ng biktima.

Agad na nagtungo ang biktima sa National Bureau of Investigation (NBI) upang ireklamo ang harrassment.

Base kay NBI-NCR Regional Director Jun Dongallo, maaaring hindi naisip ng doktor na mamamalayan ng biktima na pinagsasamantalahan siya dahil sa itinurok na anesthesia sa kanya subalit nakita at naramdaman pa rin niya ito.

Nahaharap ang doktor sa kasong acts of lasciviousness.

Samantala, ilalaban naman ng biktima ang kanselasyon ng medical license ng doktor.

Nanawagan naman ang NBI kung may iba pang nabiktima ng doktor na agad na sumangguni sa kanilang opisina at magsampa ng karagdagang kaso laban sa kanya.

Sa kasalukuyan ay wala pang pahayag ang OsMak ukol sa insidente. RNT/SA