DOLE: 12K trabaho naghihintay sa Mayo uno

DOLE: 12K trabaho naghihintay sa Mayo uno

April 25, 2022 @ 8:29 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nasa 12,000 bakanteng trabaho ang makukuha sa Labor Day job fair na inorganisa ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa isang ulat, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na mag-aalok ang departamento ng mga oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino sa buong bansa sa Mayo 1.

Samantala, ang Overseas Filipino Workers Hospital, na itinatag sa San Fernando City ng Pampanga, ay magiging operational din sa Araw ng Paggawa, dagdag pa ng DOLE.

Ang mga serbisyong pangkalusugan para sa pagtatrabaho ay libre para sa mga OFW sa nasabing ospital, kabilang na rito ang mga medical certificate at mga laboratory test.

Ang ilang serbisyo ay libre din para sa mga kaanak ng mga OFW, ngunit ang mga alituntunin ay pinaplantsa pa rin.

Nauna nang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proposed implementing rules and regulations (IRR) ng transition committee ng Department of Migrant Workers (DMW) at mga miyembrong ahensya nito.

Ang paglikha ng DMW ay nilagdaan bilang batas noong Disyembre 2021. Ang layunin ng ahensya ay pangalagaan ang overseas Filipinos kasama ang pitong iba pang ahensya sa ilalim ng iba’t ibang departamento. RNT