DOLE: 17M PH workforce, fully vaxxed na vs COVID

DOLE: 17M PH workforce, fully vaxxed na vs COVID

December 8, 2021 @ 10:45 AM 10 months ago


MANILA, Philippines — Iniulat ng Department of Labor and Employment, Miyerkoles, na mayroon nang 17 milyong bahagi ng workforce ng Pilipinas ang fully vaccinated laban sa COVID-19.

Sinabi ni Labor Assistant Secretary Dominique Tutay na tumaas ang bilang ng mga empleyadong nabakunahan matapos ang isinagawang Bayanihan, Bakunahan program nitong Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.

“Mula po sa 10 million prior to the 3-day vaccination po, tayo po ay nasa 17 million na po ang fully vaccinated na workers,” anang opisyal sa interbyu sa TeleRadyo.

Sa kabila nito, sinabi ni Tutay na mayroon pang mga empleyadong dapat na magpabakuna.

“Malaking bagay po ito pero kung titingnan mo po sa labor market ay marami pa po tayong kailangang mabakunahan,” giit pa niya.

Base sa datos ng Philippine Statistics Authority, mayroong 43.83 million employed individuals hanggang nitong Oktubre 2021.

Matatandaang iniatas na ng Malakanyang ang sapilitang pagbabakuna sa mga on-site worker sa pampubliko o pribado mang sektor nitong Disyembre.

Habang ang mga hindi pa bakunadong on-site employees ay kinakailangang sumailalim sa RT-PCR tests kada-dalawang linggo ng sarili nilang gastos. RNT