DOLE nagbabala sa mga scammer vs paggamit ng pangalan ni Sec. Laguesma

DOLE nagbabala sa mga scammer vs paggamit ng pangalan ni Sec. Laguesma

July 15, 2022 @ 6:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nagbabala ang Department of Labor and Employment o DOLE sa publiko laban sa mga modus ng ilang mapagsamantalang indibidwal o tao na gumagamit ng pangalan ni Labor Secretary F. Laguesma para lamang makahingi ng pera mula sa target na negosyante at kumpanya kapalit ng pagpapadali o pagkuha ng paborableng resulta sa kanilang nakabinbin aplikasyon sa ahensya.

Mariing kinokondena ng kagawaran ng paggawa ang mga ganitong karumal-dumal na gawain na may posibilidad na magbigay ng masamangimahe sa DOLE at sumisira sa mabuting pangalan ng Kalihim ng Paggawa.

“The Labor department strongly condemns such nefarious acts that tend to put to bad light the DOLE and destroy the good name of the Labor Secretary”,ayon sa advisory

Sa inilabas na public advisory ng DOLE, mariing hinihimok ang publiko na iulat ang mga iligal at ipinagbabawal na aktibidad sa pinakamalapit na DOLE Regional offices o tumawag sa DOLE Hotline 1349.

Sinabi ni Labor spokesperson Rolly Francia na sa pamamagitan ng “calls” o tawag sa numerong +639282935724 humihingi ng donasyon ang nasabing mapagsamantalang indibidwal.

Gayunman, hindi pa tiyak kung gumagamit pa ng ibang numero ang mga scammer.

Matatandaan na biktima rin si dating Sec. Silvestre Bello III ng mga scammers na gumawa pa ng Facebook page para makapanloko sa publiko kung saan dumulog ang kalihim sa NBI upang matunton ang mga scammers.

Nauna rito ay nagbabala rin ang pamunuan ng Department of Health (DOH) matapos na makatanggap naman ng reklamo ang Kagawaran kaugnay sa kahalintulad na modus na ginagamit naman ang pangalan ng bagong talagang DOH Officer-in-Charge na si Health Undersecreatary  Maria Rosario Vergeire. Jocelyn Tabangcura-Domenden