DOLE nagkasa ng emergency employment program sa Caluya

DOLE nagkasa ng emergency employment program sa Caluya

March 15, 2023 @ 6:38 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nagbigay na ng emergency employment para sa 464 residente ng Caluya, Antique ang Department of Labor and Employment (DOLE) matapos na mapaulat na umabot na sa kanilang bayan ang oil spill mula sa lumubog na barko sa Mindoro.

Sa panayam, sinabi ni DOLE-Antique information officer Donnabelle Baldonado na nagsimula na nitong Miyerkules, Marso 15 ang Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) na nakatutok sa coastal cleanup sa lugar.

“The beneficiaries will be receiving PHP450 daily wage” para sa 10-day coastal cleanup, ani Baldonado.

Ang mga benepisyaryo ay mula sa Barangays Semirara na may 246, Tinogboc na may 66, at Sibolo na may 152 residente.

Sa impormasyon, nabalot na ng oil slick ang nasa apat na kilometro ng dalampasigan ng Barangay Semirara at Tinogboc habang dalawang kilometro naman sa Sibolo.

Ang mga benepisyaryo ng TUPAD ay mga mangingisda, magsasaka at seaweed planters na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa oil spill.

“The TUPAD workers are also being provided with personal protective equipment,” tulad ng gloves, face masks, at boots batay sa rekomendasyon ng Department of Health, pagbabahagi pa ni Baldonado.

Sakop din ang mga ito ng Government Service Insurance System Group Premium Accident Insurance sa oras na may hindi inaasahang pangyayari sa kanila sa loob ng 10 araw na pagtatrabaho.

Noong Marso 6 ay idineklara na ang state of calamity sa Caluya dahil pa rin sa oil spill na pinaniniwalaang nagmula sa lumubog na oil tanker na Princess Empress karga ang 800,000 litro ng langis sa Naujan, Oriental Mindoro. RNT/JGC